Napanood ko na ang Twilight. Nabasa ko na din ang libro. Gusto kong sabihin kung anu-ano ang pagtingin ko sa dalawang ito. Uunahin ko ang libro, ang serye.
Kailangan ko yatang aminin na naadik din ako sa seryeng ito. Magaan ang pagkakasulat. Mabilis din ang mga pangyayari. Kaya parang hindi ko mahintay ang mga susunod na mangyayari. Kahit nga hindi ako nakaharap sa libro at may ibang ginagawa, naglalaro sa isip ko ang mga eksena sa libro.
Nagustuhan ko rin ang treatment na ginawa sa mga bampira at sa taong lobo. Mga kwentong bayan ito na pamilyar tayo kahit kwentong bayan ng ibang bayan. Bagamat ginamit ni Stephanie Meyer ang popular na banggaan ng mga bampira at taong-lobo, mayroon itong bagong mga elemento. Ang mga bampira ni Meyer ay hindi ang mga tipikal na bampirang nakilala natin sa iba pang naunang mga pelikula at libro na hindi kayang lumabas sa liwanag at walang pusong mga mamamatay-tao. Pinanatili rin naman ni Meyer ang ilan sa ganitong palasak na katangian ng mga bampira ngunit hindi sa mga bida niya, kundi sa mga kontrabida.
Kung sa mga taong-lobo, hindi ako ganoon ka pamilyar sa mga kwento dito maliban sa napanood kong Underworld: The Rise of the Lycans . Pero syempre, magkaibang-magkaiba naman ang treatment ng mga bampira at taong-lobo dito. Teka, napanood ko rin nga pala ang Lobo pero magkaiba rin ang pinagmulan ng lahing ito. Iba rin ang kontekstong pangkultura nito dahil Asyano na. Pero bago sa akin ang konsepto ni Meyer ng “pack mind” kung saan bukas sa buong grupo ang isipan ng bawat isa kapag nasa anyong lobo sila. Hindi ko rin alam kung halaw sa totoong kwentong bayan ng Quilete ang kwento ng mga taong-lobo ni Meyer.
Naaliw din ako sa karakter ni Bella Swan. Hindi ko alam kung napakatapang niya o napakatanga niyang babae. Sabagay, yung din naman ang sinabi ni Edward Cullen sa kanya, na hindi niya maintindihan si Bella kung bakit gustung-gusto pa rin niya si Edward kahit alam niya lubhang mapanganib ito. Pero, kakaiba naman siya talagang babae. Matalino, matalas ang pandama at mapagmahal sa magulang hanggang sa huling sandali.
Si Edward naman, the ever shining knight in armor with a twist. Hinangaan ko din ang kontrol niya sa sarili sa pakikipagrelasyon kay Bella. Nagustuhan ko rin ang humor niya at ang pagiging hindi makasarili. Biro mo ba naman, nanjan na ang palay, hindi pa tinutuka? Gusto na nga ni Bella na maging katulad niya para magkasama sila pero si Edward mismo ang may ayaw.
Yun nga lang, pagdating sa ikatlong libro, nakakasawa na ang kilig factor na ito. Buti na lang at medyo naiba ang focus ng ikalawang libro, nagkaroon ng focus sa mga taong-lobo at relasyon nila kay Bella. Pagbalik sa ikatlong libro na magkasama na uli sina Bella, nilalaktawan ko na ang ilang mga bahagi. “Hayy, napakabango ng hininga niya, hihimatayin yata ako.” “Ang gwapo niya talaga.” “Hindi ko masubdan ang sinasabi niya dahil napaganda ng mga labi niya.” Hindi ko na kinaya ito.
Naintindihan ko din ang nabasa kong mga review sa Twilight series bago ipalabas ang pelikula. Sa ikaapat na libro, bagamat napanatili ang tiempo ng mga bagay-bagay, parang nagmamadali na nga sa dulo. Iyung lumitaw na kauri ng anak nina Edward at Bella, parang pilit na ang pagkasingit. Nakakainis din ang ending na nag-uwian na lang ang mga bampirang ito. Nakakagigil ang Volturi sa paghahanap ng butas na magbibigay ng dahilan parang patayin ang pamilya nina Edward. Pero natapos ang lahat sa pananatili ng status quo, nanatili sina Edward sa Forks at umuwi na ang Volturi sa Italya. Sabi nga ni William Shakespeare, Much Ado About Nothing.
Kahit pa nagsimula bilang non-conformist at revolutionary ang mga karakter ni Meyer, hindi niya ito napanindigan sa dulo at biglang bumaliktad. Imbes na maging tagapamandila ng pagkakapantay-pantay, pagbabago at pagkilala sa paniniwala ng iba, nauwi sa pagtatanggol sa status quo ang lahat. Hindi naging maganda ang mensahe nito para sa akin. Ayon Meyer, ayos lang na maging kakaiba at sumalungat sa agos, pero dapat matapos na iyon doon at huwag nang maghangad pa ng mas malalaki at mas magagandang pagbabago. Tama ba yun?
Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!