Thursday, April 9, 2009

Walang hanggang Buwis: Penitensya sa ilalim ng Glorya

Natutuwa ako kay Luis Manzano (I love you, Lucky!) sa sinabi niya sa isang panayam kahapon. Tinanong siya kung ano ang gagawin niya ngayong Semana Santa, ang sagot niya, kahit medyo malayo sa tanong, hindi daw siya naniniwala sa ilang okasyon ng simbahan, hindi siya naniniwala na mayroong isang linggo para maging o gawin mong mas banal ang sarili mo. Totoo naman, kahit pa ipagtaas ito ng kilay ng mga relihiyoso. Tuloy-tuloy kasing proseso ang pagpapakabanal, o sa mas katanggap-tanggap na salita para sa akin, pakikipaglapit sa Diyos/Allah/Yahweh/at kung kani-kanino pa. Hindi mapapalitan ng isang linggong pagtitika ang buong taong kabastusan o kawalang-hiyaan ng isang tao. Hindi mababawi ng ilang araw na pag-aayuno ang buong taon mong pagkonsumo sa makakasalanang/masamang gawi.

Naalala ko ang mga turo noon sa amin sa eskwelahan tungkol sa Diyos, at hango an rin sa kanta ng Yano, "Ano man ang iyong ginagawa ay siya ring ginagawa mo sa Akin". Ttoo rin, kaya nga tumigil ako sa pagsiismba dahil hindi makaya ang pagiging ipokrito ng kalakhan ng mga Katoliko.

Pero natutunan ko rin na ang buhay ng isang karaniwang Juan ay hindi na kailangan pang dumaan ng Semana Santa para maramdaman ang pangangailangang magpenitensya. Araw-araw na siyang nabubuhay sa habambuhay na Semana Santa na puno ng pagpapakasakit.

Isa sa mga pasakit sa buhay ni Juan at Maria ang mga buwis na ipinapataw sa kanya ng gubyerno. Ngayon, sa harap ng lumalaking depisito sa badyet at lumolobong bilang ng nagsasarang mga kumpanya, maugong na naman ang bali-balitang magdadagdag ng buwis, na para bang may pagkukunan pa ang mga wala na nga. Sa sobrang kahirapan at dami ng buwis, hindi na lang yata basta paghihigpit ng sinturon ang ginagawa ng mga Pinoy, iisang sinturon na lang ang gamit ng buong ppamilya para mas makatipid sila, kasehodang hindi na sila makahinga.

Imbes na pagbutihin ng gubyerno ang paghuli sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis, na napakayayaman sa karaniwan, ang gusto nito, magdagdag pa lalo ng hahabuling buwis. Ilang milyon, bilyon ang hindi napupunta sa gubyerno dahil hindi maayos ang koleksyon ng buwis, ibig sabihin nito, may tubong nakadiretso sa bulsa ng iilang tao. Dagdag pa syempre ang sa adwana (customs) na mas masalimuot ang kalagayan. Pero dahil mas madali namang kawawawain si Juan na sanay sa pagpepenitensya, dagdag buwis na lang kesa bumangga sa pader sa paghabol sa buwis at mga kawatan ng bayan.

Naalala natin ang ingay na nilikha ng EVAT at ng kapatid nitong mas mabangis, ang RVAT. Kung dati, 10 porsyento lang ng presyo ang buwis na kinukuha ng gubyerno, ngayon, 12 porsyento na. Syempre, nadagdagan din ang mga bagay na binubuwis, na siya namang nagbunsod sa pagtataas ng presyo ng pangunahing pamilihin. Tandang-tanda ko ang sinabi ng isang misis, di daw niya makakalimutan ni Ralph Recto, kasi sa lahat ng resibo niya, mukha ni Recto ang nakikita niya.

Ngayon, buwis na naman sa SMS o text messaging ang binabalak ng gubyerno. Singkwenta sentimos kada isang text ang balak nilang gawing buwis nito. Syempre, sino naman ang tatamaan nito? Ang kawawang si Juan, text na nga lang kaya gawin para hindi mawalan ng komunikasyon sa pamilya, dadagdagan pa ng gastos. FOR THE RECORD, hindi totoo ang sinasabi ni GMA na naibaba niya sa 50c ang isang text. Piso pa rin ito.

Ang bago ngayon, pati softdrinks, gusto nilang lagyan ng buwis. Hindi lang daw para sa kabangyaman ito, kundi para din sa kalusugan ng mamamayan dahil masama naman daw sa katawan ang softdrinks. Obesity tax ang tawag nila dito.

(Aray ko, parang naramdaman ko ang paraya dun ah. Dumudugo na ang likod ko.
Sopdrinks nga para mapreskuhan nang kaunti...)


E kung mga tiwalang pulitiko kaya ang ipako natin sa krus? Pero mas gusto ko pa ring penitensya nila ang hindi pangungurakot FOREVER at ang TUNAY na serbisyo-publiko. Masaya na ako sa ganitong kahilingan at sigurado ako, masaya na rin sa ganito ang diyos kung tototohanin. At huwag kalimutan, ngayong Semana Santa, ipagdasal natin ang kanilang mga kaluluwa... Nawa'y kunin na sila ni Lord.

Amen.

Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!

2 comments:

  1. Hindi sila kukunin ni Lord aver kasi baka magkagulo sa langit...he-he. Naririnig ko pa ang Yano "natatawa ako, harharhar, sa inyo!"
    Sana matauhan na ang mga pahirap sa bayan na mga tiwaling pulitiko, asa pa...

    ReplyDelete
  2. Ngayon ko lamang narinig ang RVAT. Masaliksik nga. . .

    ". . . kasi sa lahat ng resibo niya, mukha ni Recto ang nakikita niya."

    ^ Hahaha.

    "Obesity tax ang tawag nila dito."

    ^ Whahaha. Grabe ang Gobyerno natin, ang lawak ng kaalaman, kaalaman para magka-kwarta, kwartang ninanakaw rin naman nila at hindi natin masyadong napapakinabangan. Tsk, tsk, tsk.

    Baka balak rin nila lagyan ng buwis ang blogging, ang dadahilan naman nila - "ang pag-ba-Blog ay nakakasira sa mata."

    Patawarin nawa sila ng Panginoon . . .

    ReplyDelete

Your 2cents worth please? :DD

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails