Tapos na ang halos isang buwang stand-off ng gubyerno at ng mga oil companies. Hulaan niyo kung sino ang nanalo?
Noong lunes tinanggal na ang EO 839 na nagpako sa mga presyo ng gasolina (petroleum products, in general) sa presyo nito noong Oct 15. Ibig sabihin, pwede itong bumaba, ngunit hindi pwedeng lumampas sa presyo ng krudo noong petsang iyon. Ang dahilan ay napakasimple. Ipinag-utos ito para tulungan ang mamamayan na makabangon mula sa hagupit ng sunud-sunod na bagyo.
Talaga naman, di ba. Binaha, nawalan ng bahay at ng mahal sa buhay, at higit sa lahat inalipunga dahil kina Odoy, Peping at Santi, tapos magtataas pa ang presyo ng krudo. Aba, aba, aba, hindi na yata tama iyon! para bang pinagsakluban na tayo ng langit.
At eto, mula sa kataas-taasang opisina ng ating bayan, lumabas ang kautusan para kontrolin ang presyo ng krudo. Mainit itong tinanggap ng gutom na gutom at giniginaw na mamamayan.
Syempre, merong hindi natuwa sa eksenang ito at nagmukmok sa tabi-tabi at bumulong-bulong. Sabi nila, hindi daw kakayanin ng ganitong presyo ang demand para sa krudo. Tuluy-tuloy din ang pagbabanta nila na magkakaubusan ng krudo kung pananatilihin sa mababang presyo ang pagbebenta samantalang tumataas ang halaga ng pagbili nila.
Makalipas ang ilang araw, may ulat nang mga gasolinahan na nililimitahan ang krudong ikinakarga sa motorista. Anong full tank-full tank, full tank 'na mo! hanggang P300 lang ang pwede, ano ka sinuswerte?!
Meron na ring mga istasyon na nagsasara sa gabi kahit dapat 24 oras sila (serbisyong totoo lamang!) na bukas sa mga motorista.
Mukhang tinotoo ng mga oil companies ang banta nilang magkakaubusan ng langis dahil sa EO 386 kahit pa may mandatory 3 month inventory sila ng langis na nabili sa mas mababang halaga.
At hindi lang ito, marami din sa business community ang nagsalita laban sa EO 386 dahil hindi daw ito investor-friendly (talaga, kasi itsurang pro-people ito) kaya baka makaapekto sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan. Hindi raw kasi magandang nakikialam ang gubyerno sa "free market". Ibig lang namang sabihin nila, hayaan silang magkamal ng milyun-milyong tubo kahit sumusuka na ng dugo ang mga Pilipino. Free market yan eh, bakit ka makikialam sa mga batas na umiiral dito, samantalang ito ang niyayakap na moda ng produksyon ng Pilipinas?!
Makalipas ang halos isang buwang patutsadahan at pagtatambol ng dibdib, lumabas ang tunay na hari sa Strong Republic, ang mga negosyante.
Sa kasunduan ng gubyerno at ng mga kumpanya ng langis, babawiin na ang EO 369 kapalit ng pangako na hindi agad magtataas ng presyo at hindi biglaan ang pagta-taas ng presyo na gagawin para bawiin ang halos P5 daw na lugi.
Pero anong nangyari? Sabi nga ng matatanda, hindi pa nga malamig ang bangkay, may kalokohan nang ginawa ang mga kumpanya ng langis.
Napakaganda nga sanang hakbang nitong EO 369 na ito dahil nasa puso nito ang mamamayan (kahit pa sa tingin ko ay papogi points ito para sa 2010 elections. May bahid ito ng tangka ng gubyerno na kahit paano'y hawakan ang ekonomya ng bansa at hindi lamang lubos na iasa sa dikta ng internasyunal na merkado tulad noong nagdaang panahon ni Marcos. Bagamat matagal na nating inaani ang bunga ng Oil Deregulation Law, ngayon naramdaman nang mas harapan ang lakas ng kapangyarihan na inalis sa kamay ng gubyerno at sa esensya, ng mamamayan.
Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!
No comments:
Post a Comment
Your 2cents worth please? :DD