Saturday, November 21, 2009

DED na si Lolo: isang rebyu



Sa paggunita sa araw ng mga patay sa susunod na mga araw, gusto kong ibahagi ang isang pelikula na nagpapakita sa kaugaliang Pinoy pagdating sa mga patay, and Ded na si Lolo.

Ang pelikulang ito ay isinulat at idinirehe ni Soxie Topacio.

Tawa kami nang tawa nang pinanood namin ito. Kuhang-kuha kasi ang kaugaliang Pinoy sa pelikulang ito. Para lang pinapanood mo ang sarili mo sa pelikulang ito.

Pamilyar ang mga tao sa mga pamahiin na binabanggit sa pelikulang ito, hindi na bago, ika nga. Pero ang nakakagulat, mayroon pa palang hindi ko alam. Tulad ng paglalagay ng pera sa kamay ng patay, hindi bilang pabaon sa kanya, kundi para maging maswerte sa hahawak ng perang ito na kukunin din bago ilibing ang bangkay. Isa pa’y bawal din daw ang maligo sa bahay na may patay. Dapat din daw, ang lahat ng malilikom na abuloy ay gagamitin sa patay lamang. Hindi rin daw dapat nakatapat sa pinto ang mga paa ng patay. Dapat din daw na agad na maglinis ng bahay sa sandaling buhatin ang patay palabas ng bahay. Maswerte din daw ang makasalubong ng prusisyon ng patay sa daan.

Ilan lang iyan sa mga pamahiin na bago sa akin at doon ko lang nalaman sa Ded na si Lolo.

Nakakatawang eksena din dito ang ugaling Pinoy na “picture-picture”. Mahilig magkuhanan ng litrato ang mga Pilipino. Gustung gusto kasi nating hulihin ang tuwa ng sandali at ikahon ang mga ito sa eskaparate para lagi nating makita at mabalik-balikan ang mga “Kodak moment”. Lalo nang nauso ang Friendster at Facebook, lahat na lang ng kilos ng tao, gusto nilang pakunan ng litrato para maipost sa internet at makita ng mga tao, kilala man nila o hindi. At oo, maging ang mga malulungkot na pangyayari, tulad ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, ay hindi ligtas sa pagnanais na maidokumento ito sa litrato. Hindi naman ito masama. Ang kaso lang eh, kailangan ba talagang ngumiti kapag nagpaplitrato kahit hindi naman bagay sa okasyon at dahil naiuugnay lang na kapag “picture-picture” kailangan lagi naka-”Smile!”

Bukod sa mga pamahiin na ipinakita dito sa pelikula, isang aspeto din nito ang pagpapakita sa isang hindi gaanong magandang ugaling pinoy. Hindi lamang pagdadalamhati ang dulot ng pagbaha ng luha sa lamay na ito. Sa isang eksena dito, may dumating na bisitang matandang babae na hindi kilala ng sinumang pamilya ng namatay maliban sa isang anak nito. Noon lamang lumabas ang isang matagal nang sekreto ng kanilang ama. Gayundin,
nabunyag din ang sama ng loob na kinikimkim ng isang kapatid sa napakahabang panahon.


Ang lamay na karaniwang ginagawa ng mga Katolikong Pilipino sa loob ng isang linggo ay isang okasyon para magdalamhati at magdiwang. Magdalamhati sa pagpanaw ng isang mahal sa buhay at magdiwang sa buhay na kaniyang tinahak. Ngunit, ang lamay, tulad ng ipinakita sa Ded na si Lolo ay okasyon din ng pagpapakatotoo at pagharap sa mga takot at pag-aalinlangan, at ng maluwag na pagtanggap sa mga ito.

Sa mga lamay, dahil tipon-tipon at kargado ng emosyon ang
hangin, lumalabas sa bulung-bulungan man o sa sigawan, ang mga sekreto pinakatatago hindi lamang ng patay, kundi maging ng mga taong nakapalibot sa kanya.


Ngunit sa kabilang banda nito, ipinakita ng pelikula ang ideyal na kalalabasan ng mga dramang nagaganap sa lamay, isang unang pamilya, inggit ng isang kapatid, (at kung ano-ano pa sa tunay na buhay). Ito ay ang pangingibabaw ng dugo, o ng relasyong magkamag-anak, at pagkakaayos ng lahat-lahat na tila mga pyesa ng isang nabubuong larawan.

Ang mga Pinoy kasi, dulot ng agrikultural at hindi pa industriyalisadong ekonomya at ng kulturang hindi pa lubusang nakakahulagpos sa makalumang pag-iisip, ay maraming pamahiin sa buhay, mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa pagdapit-hapon ng buhay. Tatak ito ng kulturang Pinoy na halo-halong kulturang sarili at kultura ng mga nanakop sa atin.

Ngunit kahit napakatagal na nitong namumugad sa ating isipan, maliwanag na ipinakita ng Ded na si Lolo ang kakapusan ng mga pamahiing ito sa harap ng nagbabagong panahon. Kinatawan ni Roderick Paulate dito, bilang baklang anak ng namatay, ang mapanuring isipan. Kung titingnan kasi, bilang bakla mismo, hindi na rin siya kabahagi ng namamayaning kultura dahil lumantad siya at kumawala sa pagkukulong sa kanya sa pananatiling lalaki. Dito, siya rin ang tanong nang tanong at naghahamon sa mga pamahiin na iyan. Sino bang nagsabi na bawal ang magsuot ng pula ang matatanda pero okey lang sa mga bata? Sino bang nagsabi na hindi pwedeng maglinis ng bahay habang may patay kahit nanlilimahid na ito sa dumi? Sino din ang nagsabi na hindi pwedeng maghatid ang mga taong namatayan?

Sino ba sila?

Magandang tanong hindi ba? Sino nga ba ang nagsasabi sa atin kung paano kumilos at mag-isip?

Ang Ded na si Lolo ay salamin ng buhay-Pinoy. Panoorin niyo ito at panoorin ang mga sarili natin.


Ang mga litrato ay video grab lamang sa pelikula.

Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!

No comments:

Post a Comment

Your 2cents worth please? :DD

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails