para sa kapakanan ng bayan
tinalikuran ang rangya at kasiyahan
nag-armas at tumungo sa kabundukan
kailangan daw magtanggol
kailangan daw mag-armas
kailangang ipaglaban ang Pilipinas
dumating ang digmaan sa bakuran
dininig niyo ang tawag ng kabayanihan
nagpakahirap, nagpakasakit
nagpakagutom, tiniis ang pait
kapalit ng pluma, rebolber
kapalit ng araro, baril na teka-teka
kapalit ng buhay, kalayaan
ngunit ang hindi inaaasahan
pagtataksil mula sa itinuring na kaibigan
kaibigan sa panahon ng sagana
kaibigan sa panahon ng saya
ngunit walang pakialaman
kung interes ng US ang nakataya
ang among nangako ng karangyaan
nangako rin ng pakikipagtulungan
kumpletong sahod,
kumpletong benipisyo
basta't lumahok sa pakikipaglaban
at kakampi niya kayong sundalo't gerilyang Pilipino
sa kagitingan at talino
sa likas na kaalaman at pagkatuto
sa tapang at pagsasakripisyo
sa dugo at pawis niyo
naipanalo sa buong mundo
ang pakikihamok sa isa pang hayok
ngunit nagbago ang ihip ng hangin
salamat na lamang ang pakimkim
wala na daw dapat asahang iba pa
hindi na kinikilala ang pangako
kinitil ng pahayag na ito
ang pag-asa sa buhay na maligaya
anim na dekada makalipas iyon
muling nangailangan ang amo ng tulong
nasadlak ang ekonomya sa kumunoy
kailangang kumilos, kailangang gumastos
nang makaahon sa pagkakalugmok
9000 dolyar para sa beteranong nasa Pilipinas
15000 dolyar para sa beteranong nasa US
malaki ang diperensya
ano ang diperensya
may diperensya sa kwenta
magkaiba ba ang digmang nilahukan nila?
at nasindihan muli ang pag-asa
sa wakas! upisyal na pagkilala sa ambag
upisyal na pagkilala sa buhay na nawala
upisyal na pagkilala sa buhay na natira
dangan nga lamang ay kakaunti na sila,
uugod-ugod, bingi at mahina na
at halos ikamatay pa nga ang mahabang pagpila
hanggang ngayon pala'y napakalayo pa rin
ng abot-kamay na ginhawa para sa beteranong Pilipino
di man katumbas ng tulang ito
ang halaga ng benepisyong dapat makuha niyo
sana'y malaman niyo
Saludo ako sa inyo!
Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!
No comments:
Post a Comment
Your 2cents worth please? :DD