Tuesday, April 21, 2009

Ang PNP sa panahon CSI at COPS


Bad boys, bad boys
watcha gonna do
watcha gonna do
when they come for you

Sa kontrobersyang kinasasangkutan ng brodkaster na si Ted Failon, muling naging sentro ng atensyon ang Philippine National Police (PNP), partikular ang Quezon City Police Department (QCPD). Marami ang nagalit sa kanilang inasta habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Trina Etong, ang maybahay ni Ted Failon. Marami ding tanong at obserbasyon ang lumitaw noong panahong ito. Dahil sa pangyayaring ito ay kinasasangkutan ng isang kilalang personalidad sa larangan ng pabatirang-madla dahil sa mga ekspose at paghihimay ng mga balita, higit na panasin ang nakuha ng kasong ito ng pagkamatay ni Trina, at gayundin, ng QCPD at PNP.


Una sa lahat, at ang umani ng pinakamalaking pagbatikos ay ang proseso ng pang-aaresto ng QCPD sa mga pinaghihinalaan. Citizen's Arrest daw ang kanilang ginawa dahil "nandun na sila." Citizen's Arrest ang tawag sa pang-aaresto ng walang mandamyento mula sa korte dahil nagaganap pa o on-going ang krimen. Huli sa akto, kumbaga.

Maliban dito, kung mapapansin ng manonood, hindi binasahan ng Miranda Rights, na laging ending ng COPS sa bawat matagumpay na pag-aresto, ang inaarestong pinaghihinalaan. Ang Miranda Rights ang "You have the Right to Remain Silent..." Ang Miranda Rights ang pagkilala sa karapatan ng mga pinaghihinalaan bilang malayang mamamayan pa rin.

Hindi eksepyunal ang karahasang inabot ng pamilya Failon. Ganito ang treyning ng ibinigay sa PNP, ganito ang nakagisnan nilang kultura ng karahasan (tingnan ang blog ko tungkol dito sa adaengkantada.wordpress.com
)Sa katunayan, mas malala pa rito ang inaabot ng mga inaarestong suspek na walang pera at walang malaking pangalan.

Ikalawa ang paraan ng pangangalap ng ebidensya. Sa partikular na kasong ito, nagalaw na ang pinangyarihan ng krimen (crime scene). Malinis na ang banyo na kinalugmukan ni Trina. Sumunod na eksena ang paghahakot ng QCPD sa mga gamit sa banyo para makita daw kung may mga tilamsik ng dugo. Bakit hindi na lang nila sila nag-swab dito o kumuha ng mga sample sa pamamagitan ng pagpapahid ng cotton buds sa mga bagay na malamang na natilamsikan ng dugo? O kaya, dahil malinis na ang banyo, nag-spray ng chemical X, gaya ng sa CSI, para makita ang mga labi ng dugo at ang konsentrasyon, ang pagkalat at ang direksyon ng tilamsik?

Bukod pa rito, nagsagawa rin sila ng paraffin test kay Ted Failon, at nagbabalak na isailalim sa lie detector test ang iba pang pinaghihinalaan. Ayon sa isang forensic expert, hindi tinatanggap ng korte bilang ebidensya ang mga datos na nakakalap kapwa sa paraffin at lie detector test. Kung gayon, bakit pa ito pag-aaksayahan ng panahon at pera ng bayan kung hindi rin naman makakapagbigay-linaw sa pagkamatay ni Trina at magsisilbing matibay na ebidensya kung saka-sakali?

Ang kaso ng pagpapakamatay/pagpatay kay Trina, bukod sa pagiging trahedya ng buhay, ay nagsiwalat sa kakapusan ng rekurso at pagsasanay ng PNP. Kakapusan sa rekurso para sa mahusay na pangangalap at pagtitipon ng kongkretong ebidensya para sa paglutas ng mga kaso. Kakulangan sa pagsasanay para sa makatarungan at makataong pagtrato sa mga pinaghihinalaan, mayaman man o mahirap.


Kung ganito ang nagpapatupad ng batas sa Pilipinas, may katarungan pa bang maaasahan? Sabi nga ni Patricia Evangelista sa kanyang pitak, “Kung mayroon mang papanig sa mamamatay-tao, ito ay dahil mas naniniwala sila sa kanya kaysa pulisya." Ito ang tunay na trahedya.

Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!

No comments:

Post a Comment

Your 2cents worth please? :DD

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails