Tuesday, April 28, 2009

Nicole: Biktima ng Sistema



Nung nakaraang linggo, muling tumampok sa balita si Daniel Smith dahil sa balita ng pagpapawalang-sala ng Court of Appeals sa kasong panggagahasa. Kung matatandaan natin, naging kontrobersyal muli ang kaso dahil sa pag-atras ni Nicole sa kasong kanyang isinampa laban kay Smith. Naging isang patunay din ito sa pagiging tagibang ng VFA pabor sa US.

Hindi man aminin ng mag-inang Nicole na nagkabayaran at nagkaaregluhan na, ito lamang ang tanging mahihinuha mo sa nangyaring pag-aatras sa kaso sa kabila ng matinding suporta ng mamamayan para kay Nicole at laban kay Smith at sa VFA na pinagmulan ng lahat. Nakakapagtaka ang mga sirkunstansya na nakapaligid sa pag-atras ng kaso. Ang biglaang pagkansela sa serbisyo ni Ursua bilang abodago ni Nicole. Ang pahayag ni Nicole na taliwas sa lenggwaheng kanyang sinasalita. Ang pagrarason o pagkampi sa kwento ayon sa pagkakasabi ng mga abogado ni Smith. Ang mabilis na pag-apruba sa kanyang visa patungong US. Lalo syempre ang mga pahayag na, pribadong indibidwal kami, gusto lang namin ng tahimik na buhay.

Sa kabilang panig, wala na si Smith sa bansa. Lumabas na balita na noong Huwebes palang (nung araw na lumabas mismo ang hatol ng pagpapawalang-sala) umalis na si Smith sa bansa. Nagkaroon pa ng mga alingasngas dahil mukhang mabilisan ang ginawang paglabas kay Smith sa bansa kaya maging ang ilang opisyal sa isang ahensya ng gubyerno ay nagulat sa balitang iyon. Mukhang sinunggaban na ng US Embassy ang paborableng hatol na ito para ilabas si Smith. Pansinin na Court of Appeals ito, maaari pang iapela ang kaso sa Korte Suprema. Samantalang noong ipinagutos ng Korte Suprema na ilipat si Smith sa ibang kulungan, napakaraming pagtutol ng Embahada kesyo hindi pa tapos ang kaso, kesyo hindi malinaw ang ganoong probisyon sa VFA, atbp.

Hindi ako galit kay Nicole. Sa katunayan, naaawa ako sa kanya dahil binawi man niya ang kanyang pahayag na siya ay ginahasa, biktima pa rin siya. Biktima pa rin si Nicole ng lipunan na higit siya ikinundena sa pag-atras niya dahil “mukha namang kalapating-mababa-ang-lipad.” Higit sa lahat, biktima si Nicole ng sariling gubyerno na higit na ipinag-aalala ang impresyon sa ibang bansa kaysa pangalagaan ang kanyang mamamayan.


Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!

2 comments:

  1. nakakalungkot at nakakaawa si Nicole, kinukondena siya noong lumabas siya at kinukondena pa rin siya ngayong umatras na siya. Salamin talaga sa mababang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan at ang umiiral na maling pagtingin sa isyu ng rape na crime against chastity lang bagamat binago na ng batas at kinikilala na itong crime against person.
    hirap talaga maging babae...
    by the way, nagpalit ka na pala ng picture hehe...

    ReplyDelete
  2. oh yes nagpalit na ako ng picture. hehe! kuha sa tagaytay nung nagpunta kami.

    ReplyDelete

Your 2cents worth please? :DD

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails