Thursday, April 30, 2009

Ang mga Yaya at mga Loser


Kahuhupa lang ng galit ng sambayanan sa isinulat ni Chip Tsao, isang manunulat sa Hongkong, tungkol sa relasyon ng Pilipinas at ng Tsina. Sa katunayan, bagamat isang political satire ito (magandang termino lamang para sa elegante, mukhang matalinong, panunuya) tungkol sa Baselines Bill at Spratlys, mas napansin ng mga tao ang pahayag ni Tsao sa mga DH (domestic helper) na Pinay. Tinawag niyang isang bansa ng mga alila ang Pilipinas. Marami ang nagtaas ng kilay at kamao hinggil dito, hindi maatim na tawaging isang bansa tayo ng mga alila, dahil sa ating kinalakhang hirarkiya sa lipunan, halos nasa pinakamababang andana ang mga kasambahay.

Pero heto ang isang segment sa patok na patok na Bubble Gang na lalong nagpapababa sa pagtingin sa mga kasambahay, sina Angelina at Yaya. Sa segment na ito, Angelina, na ginagampanan ni Ogie Alcasid, ay isang batang laki-sa-layaw, at si Yaya, na ginagampanan ni Michael V. bilang isang hamak na yaya. Dito nauso ang ekspresyon na “Whatever yaya, you’re such a loser.”

Sa unang tingin, parang walang masamang epektong idudulot ito dahil biruan lang naman ito, joke-joke-joke ika nga. Pero kung susuriin natin ang telebisyon bilang isang bahagi ng superistruktura, ng kultura, higit na seryosong bagay ang “Whatever yaya, you’re such a loser” na ito.

Una, itinataguyod nito ang kaisipan na walang alam ang mga taong mababa ang uri ng trabaho. Ibig sabihin, hindi na dapat pakinggan pa ang kanilang sinasabi dahil wala naman itong laman at kung gayon, walang kwenta at aksaya lamang sa panahon.

Ikalawa, ibinababa nito ang pagtingin sa mga blue-collar jobs o mga trabahong mano-mano. Dahil ba isang hamak na yaya lamang si yaya, maari na siyang sagut-sagutin, kutyain at pagtawanan ni Angelina?

Ikatlo, ginagawa nitong normal na hamak-hamakin na lamang ang mga kasambahay at iba pang hindi nagtatrabaho sa opisina

Napakatindi ng galit natin kay Chip Tsao noong nakaraang buwan lamang. Siguro dahil masakit marinig ang katotohanan na marami sa mga lumalabas ng bansa para maghanap ng trabaho ay nauuwi sa mga trabaho na hindi nila akalaing papasukin nila kung titingnan ang kanilang mga pinag-aralan. Mukhang mali ang pinagbabalingan natin ng galit at kahihiyan.

(Hindi ba’t imbes na magpaluwal ng higit na trabahong mapapasukan at sapat na mapagkakakitaan dito sa Pilipinas, binuo ni GMA ang programa ng Supermaid para maglabas ng mas matatalino at mapamaraang mga katulong? Hindi ba’t imbes na ayusin ang programa sa edukasyon para umangat ang kalidad ng mga manggagawa at kawaning Pilipino at kung gayon maging globally competitive, iginiit ng gubyerno na gamitin ang Ingles sa mga paaralan para masanay ang mga estudyante rito at maging lalong katanggap-tanggap sa mga trabaho sa ibayong-dagat at kahit dito sa loob ng bansa?)

Pero, ano nga ba ang masama sa pagiging isang yaya o katulong, drayber o boy? Sa artikulong nabasa ko sa dyaryo, hindi naman masama ang tingin ng ibang bayan sa ganitong mga trabaho. Hindi naman mababa ang pagtingin nila sa mga gasoline boy, karpentero at mekaniko. Sa katunayan, isa silang mahalagang bahagi sa kabuuan ng lipunan.

Dito sa atin na matindi ang kolonyal na mentalidad, ang pag-iisip ng naghahari at pinaghaharian, ng amo at katulong, mas mababa ang pagtingin natin sa mga huli, itinuturing na mas mababang uri ang mga ito.

Hindi naman masamang magbiro, pero tingnan din natin kung kanino nagsisilbi at sino ang pinagtatawanan ng ating mga biro.

Read more about this by clicking the Read More Link below. Like this post? Click the button and let the whole world know! You can also subscribe to my feeds and follow my blog so you'll never miss a thing. Smiles!

2 comments:

  1. Agree ako diyan! Nakakainis ang segment na iyon para sa akin pero patok na patok sa mga tao lalo na sa mga pinsan kong bata na sinasabihan ng "you're such a loser!" kahit ang mga kapatid kong nakatatanda sa kanila. Troubling pero wala namang sumeseryoso sa mga pamumuna ko, nage-enjoy kasi sila sa kantyawan na tingin ko hindi magandang ma-imbibe sa mga bata, kawalang-respeto sa mga nakatatanda at sa mga taong nag-aalaga sa kanila.

    ReplyDelete
  2. maski dito. parang uso kasi ang pagattawanan at the expense ng ibang tao. syempre, may factor na rin ang pagbubuhat ng sariling bangko doon, parang pride na wala ka sa pusisyon/social standng ng isang tulad ni yaya

    ReplyDelete

Your 2cents worth please? :DD

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails